ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Kasiyahan sa Diyos”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Kasiyahan sa Diyos”

Nobyembre 27, 2022. Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon.

(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)

First Sunday of Advent (Violet)

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

MABUTING BALITA
Mateo 24, 37-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe. Dumating ang baha nang di nila namalayan at tinangay silang lahat. Gayun din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.

May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2022/11/27/linggo-nobyembre-27-2022/

Pagninilay:

Isang mapagpalang unang Linggo po ng Adbiyento! Ngayon nga po ay ang unang araw ng paghahanda para sa pagdating ng Panginoon. Maaring malapit na ring magsimula ang iba’t ibang mga salu-salo o Christmas parties, subalit maging paalala nawa ito na kailangan din muna nating ihanda ang ating sarili at mga kaluluwa. Kailangan din natin natin ng katahimikan sa panahon na ito. Ito rin ay ang panahon ng pananalangin, pagsusuri at pangungumpisal. Pagnilayan natin simula ngayon kung Sino ang ating pinakaaabangan.

Maraming mga tao ang nag-aabang ng Christmas bonus na matatanggap, o ng mga family reunions, travel at kung ano pang mga plano kasama ng barkada. Ang lahat ng ito ay magaganda at makatutulong para sa ating relasyon sa kanila ngunit huwag nating kalimutan ang tunay na Bida sa lahat ng ito – si Hesus. Siya ang ating pinakaaabangan. Nawa’y maalala natin Siyang ilagay sa sentro ng lahat ng ating gagawin, kalakip ng mataimtim na pagninilay sa Kanyang Salita.

Ang mga bagay at tao dito sa lupa na ating nakakasama ay tumutulong sa atin magkaroon ng saysay ang buhay sa mundo. Nakakasama natin sila sa ating paglalakbay sa buhay dito, at ito ay biyayang tunay ng Diyos. Ngunit, ang lahat ng ito ay walang saysay kung wala si Hesus. Dahil sa Kanya, tayo’y nagkaroon ng buhay na walang hanggan. Dahil sa Kanyang pagparito bilang Tao, kahit pa mawala tayo rito sa mundo at magunaw pa ang mundo, mayroon tayong pupuntahang higit pa sa lahat ng kagandahang nakikita sa mundo – ang langit.

Hindi natin alam kung kailan tayo tatawagin ng Diyos mula sa mundo na ito. Kaya dapat tayong laging maging handa para rito. May buhay, mayroong kamatayan. Mahirap man itong tanggapin sa iba subalit ang ating pagtanggap dito ang magiging daan upang mahanap natin kung paano natin gustong mamuhay ngayon. Anuman ito at saan man tayo ilagay ng Diyos sa ating buhay para sa natatanging misyon, iisa ang sigurado – kasama natin si Hesus.

Higit sa lahat, mas bigyan natin Siya ng panahon ngayon habang tayo’y naghihintay sa Kapaskuhan. Nang sa gayon, ang ating ligaya’y maging buo at hindi nakadepende sa anumang salu-salo, regalo, pera o materyal na bagay kung hindi sa Diyos na Siyang tunay na dahilan ng ating kasiyahan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Leave a comment