ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tayo ang Simbahan”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tayo ang Simbahan”

Nobyembre 9, 2022. Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Feast of the Dedication of the Lateran Basilica in Rome (White)

UNANG PAGBASA
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Noong mga araw na iyon, bumalik kami ng anghel sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito’y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo’y paharap sa silangan. Ito’y nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.

Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. 

Sa magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga pagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 45, 2-3. 5-6. 8-9.
Sa bayan ng Dakilang D’yos
batis n’ya’y may tuwang dulot.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 3, 9k-11. 16-17
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kayo ang gusali ng Diyos. Ayon sa kaloob ng Diyos sa akin, ako ang naglagay ng pundasyon, bilang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy ng pagtatayo ng gusali. Ngunit maging maingat ang bawat nagtatayo, sapagkat wala nang ibang pundasyon na maaaring ilagay liban sa nailagay na, si Hesukristo.

Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Juan 2, 13-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag.

Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”
Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” 

Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma! Ang palasyong simbahan na tinutukoy dito ay ang “Cathedral” ng obispo ng Roma na walang iba kung hindi si Papa Francisco. Akala ng marami ang Saint Peter’s Basilica ito na mas kilala ng iba subalit ang totoo ay ang Basilica of Saint John Lateran sa Roma ang siyang pinakamataas na Basilica sa lahat. Ano ang saysay ng kapistahan na ito? Ang tinaguriang Basilica ay ang ina ng lahat ng simbahan sa mundo, subalit mayroong higit na mas importanteng Simbahan at ito ay ang tayong lahat. 

Tayo ang templo ng Diyos. Walang saysay ang gusali ang paglalagi ni Hesus – dugo at katawan sa mga Tabernakulo kung hindi tayo tutungo roon at mananatili na lamang tayo sa kanya-kanyang bahay. Bukod dito, kumusta rin kaya ang ating kalooban? Dito nananahan ang Diyos. Alam kaya natin ito? Nakakausap kaya natin si Hesus sa kaibuturan ng ating kalooban? Napapanatili ba nating malinis ito sa pamamagitan ng pagsusuri ng sarili at kasalanan?

Tayo ba ay nagkukumpisal tuwing mayroong malubhang kasalanan at hindi bababa pa sa isang beses kada taon? Ang mga ito ang ating dapat gawin para mapanatilihing malinis ang templo ng Diyos na tayo mismo. Huwag sana tayong tumulad sa mundo na maraming pinagkakaabalahan. Bilang Simbahan, tayo ay dapat laging nakasentro ang buhay kay Kristo. Siya at ang mga bagay ukol sa pananampalataya ang ating dapat na pagtuunan ng pansin, lakas at atensyon. Ang ibang mga bagay ay magiging maayos sa atin kung uunahin natin ang Diyos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications


Leave a comment