ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagbabalik sa Diyos”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagbabalik sa Diyos”

Disyembre 13, 2022. Paggunita kay Santa Lucia, dalaga at martir.

MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayon din ang kanyang sinabi.

‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan.

Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2022/12/13/martes-disyembre-13-2022/

Pagninilay:

Maligayang Paggunita po ni Santa Lucia! Ang tungkol sa kanyang buhay ay mababasa po matapos ang pagninilay nito. Sa pagsunod sa Diyos, marami tayong kakaharaping balakid. Mayroong mga takot, pag-aalinlangan, inis, duda at marami pang iba. Subalit, kung kilala natin ang ating sinusunod – ang Diyos, mas makakaya nating matalo ang mga negatibong ito. Mas makapagtitiwala tayo sa Kanya. Para makasunod kailangan nating magtiwala. Bagamat ang unang anak ay nagsabi ng hindi siya susunod, nag-isip siya at sumunod pa rin. Samantalang ang isa ay nag-oo subalit walang ginawa.

Alin ang mas importante sa Diyos? Ang mahalaga ay kung ano ang ating ginagawa ngayon. Mahalagang tayo ay makasunod sa Panginoon hindi sa salita kung hindi sa gawa. Inilalarawan din nito ang mga taong nagkasala sa umpisa, hindi sumunod subalit kinalaunan ay nagbago. Hindi na mahalaga kung paano tayo nagsimula kung hindi, kung ano ang ating gagawin pa. Ibig sabihin, maaring magkasala tayo sa ating buhay ngunit ang mahalaga ay babalik tayo. 

Paano tayo makakabalik? Sa pamamagitan ng pagkukumpisal bukod pa sa pagsisimba. Ito ang mahalaga. Hindi na tayo maaring husgahan kung hinusgahan muna natin ang ating sarili at nauna na nating aminin ito sa Diyos sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal. Amen. +

Buhay ni Santa Lucia: http://ourparishpriest.blogspot.com/2014/11/meet-saints-santa-lucia.html?m=1

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications