ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pamilya ay Mahalaga”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pamilya ay Mahalaga”

Disyembre 17, 2022. Ikatlong Araw ng Anticipated Simbang Gabi o Disyembre 18, 2022. Ikatlong Araw ng Misa de Gallo (Misa sa Madaling Araw).

Paalaala: Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Ang pagninilay po ay mababasa sa bandang dulo ng post na ito.

Fourth Sunday of Advent (Violet).

UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14
Pabasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”

Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 1, 1-7

MABUTING BALITA
Mateo 1, 18-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim.

Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.

Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Ito na nga ang huling Linggo ng Adbiyento at sa susunod na Linggo ay simula na ng Pasko! Napakaganda ng ating Ebanghelyo sapagkat makikita natin kung paanong pinili ng Diyos na magkatawangTao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pamilya gaya natin. Pinili Niya si Jose at si Maria upang maging magulang bagamat hindi talaga siya galing mula kay Jose sa laman. Sapagkat ang ating tuon ay para sa Mesiyas na si Hesus, hindi natin gaanong napagtutuunan ng pansin ang Kanyang ama dito sa lupa na si Jose.

Masunurin si San Jose sa Diyos. Wala siyang alinlangan basta’t kalooban ng Diyos. Sadyang napakalaki at napakalawak ng plano ng Diyos na pagkakatawangTao kaya marahil ay hindi niya iniisip na siya’y karapat-dapat para dito. Subalit noong siya’y inatasan ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na ituloy ang pagpapakasal kay Maria, siya’y buong pusong sumunod. Ganito rin tayo sa mga plano ng Diyos sa atin. Marahil ay marami tayong nakikitang balakid na kailangang lagpasan ngunit kung iyon ang talagang plano ng Diyos, mangyayari iyon at Siya ang bahala sa lahat.

Kailangan lamang din nating matutong magtiwala sa Kanya. Ganito rin ang ating inang si Maria. Hindi niya alam kung paano mangyayari ang siya’y magkakaroon ng anak subalit nagtanong siya, “Paano ito mangyayari?” At sinagot siya ng anghel ng Panginoon na siya’y lulukuban ng Espiritu Santo. Walang imposible sa Diyos. Lahat ay mangyayari ayon sa kanyang plano.

Ngayong darating na panahon ng Kapaskuhan ay magkakaroon na naman tayo ng maraming pagtitipon o salu-salo. Makakaharap ulit natin ang ating mga pamilya at kaanak. Isang mahalagang alalahanin sa lahat sa gitna ng mga hidwaan, sama ng loob at mga ‘di pagkakaunawaan, ay ang disenyo ng Diyos na pamilya bilang ugat ng ating buhay. Kailangan nating magpatawad at magpasensya. Isang hudyat nito ay kung payapa na tayo at walang negatibong hangarin o iniisip. Hindi tayo mabubuhay ng walang pamilya. Maganda at plano ito ng Diyos para ipagpatuloy ang buhay sa mundo. Kung mayroon mang hindi pagkakasundo at hidwaan, ito’y buhat sa demonyo na gustong sirain ang plano ng Diyos.

Subalit ang nagtatagumpay sa lahat ng kahinaan at pagkakasakitan ay ang pag-unawa gamit ang karunungan ng Diyos, pag-intindi, pag-uusap at pagpapatawad. Dito tayo tunay na magkakaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa pamilya gaya ng nangyari sa Banal na Pamilya dahil sila’y sumunod sa kalooban ng Diyos sa kabila ng mga balakid na kinaharap. Sila’y nagtagumpay, naging Tahanan ng Mesiyas dito sa mundo at naging daan para sa kaligtasan ng lahat. Ang ating kanya-kanyang pamilya ay mayroon ding mahalagang misyon. Alamin at alagaan natin ito at gawing sentro ang Diyos upang maging maayos, mabuti at matiwasay ang lahat sa atin. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications