ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Manatili sa Pag-ibig”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Manatili sa Pag-ibig”

Mayo 2, 2024. Paggunita kay San Atanasio, obispo at pantas ng Simbahan.

MABUTING BALITA
Juan 15, 9-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Ang pananatili sa Diyos ay hindi madali. Ang pananatili sa pag-ibig ay hindi madali. Kailangan natin ng sakripisyo para makamtan ito. Kailangan nating piliing isantabi muna ang ibang bagay na para sarili gaya ng sobra-sobrang pakikipagkuwentuhan o panonood ng telebisyon upang makapaglaan ng oras para sa Diyos. Ang Diyos naman ay lagi nating kasama at naghihintay sa atin subalit tayo ang madalas na abala sa maraming bagay.

Madalas ang mga tao’y nakakaalala lamang sa Diyos kapag kailangan ng tulong subalit hindi ganito ang pakikipagrelasyon sa Diyos. Siya ay ating Ama. Tayo at ang buong buhay natin ay mula sa Kanya. Ano kayang klase ng anak ang pumupunta lang sa magulang kapag may kailangan siya?
Tiyak hindi magiging maganda ang tingin natin sa anak na ito at kukutyain pa siya ng marami subalit hindi natin alam na nagiging ganito ang karamihan sa atin.

Kaya naman, magsimula na tayo ngayong maging mga tunay na anak sa ating Ama sa langit. Lagi tayong dumulog sa Kanya sa pananalangin may kailangan man tayo o wala. Puntahan natin Siya sa simbahan at sa katahimikan ng ating puso upang manatili sa Kanyang presensiya. Magsimba tayo kada Linggo gaya ng utos Niya. Ang simbahan na bahay ng Diyos ay atin ding espirituwal na tahanan.

Maari nating Siyang sabihan ng anumang nasa puso natin, masaya man o malungkot. Pasalamatan natin Siya sa lahat ng bagay at pagkatiwalaan kung may pagsubok man. Hinding hindi natin kailanman pagsisisihan na magsakripisyo at maglaan ng oras para sa Diyos. Doon nating mararamdaman ang Kanyang wagas na pag-ibig sa atin.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “San Jose, Ulirang Ama”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “San Jose, Ulirang Ama”

Mayo 1, 2024. Paggunita kay San Jose, manggagawa.

MABUTING BALITA
Mateo 13, 54-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, “Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?

Saan niya natutunan ang lahat ng ito?” At ayaw nilang kilanlin siya. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambahayan.” At dahil sa di nila pagsampalataya, hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Paggunita po kay San Jose Manggagawa! Dalawang araw sa kalendaryo ng Simbahan ipinagdiriwang San Jose. Tuwing ika-19 ng Marso ay ang Dakilang Kapistahan ni San Jose bilang asawa ni Maria. Ang paggunita naman ngayon ay para kay San Jose bilang Manggagawa. Dahil sa pagiging karpintero, binuhay at pinakain niya sina Hesus at Maria. Sa kanyang pagiging ama ni Hesus dito sa mundo, nagkaroon ng katuparan ang planong pagliligtas ng Diyos. Siya ang anino ng Ama dito sa lupa. Isa siyang modelo ng lahat ng mga ama at kalalakihan.

Sa lahat ng mga santo liban kay Maria, si San Jose ang pinakabanal at importante sa lahat ng mga lalaki. Ang ginawa lang niya ay maging isang mabuting asawa, ama at manggagawa para sa pamilya at lipunan. Kung iisipin natin, ganito pala kahalaga ang mga papel na ito na marahil ay karaniwan sa atin. Dahil sa pagiging ordinaryo nito, malamang nahihirapang isipin ng iba na posibleng maging santo sa ganitong buhay ngunit maari pala. Ang katauhan ni San Jose ang patunay nito. Paano nga ba niya nagawa iyon? Unang unang kahanga-hangang katangian ni San Jose ay ang kanyang katahimikan. Ang katahimikan ay hindi lang sa panlabas na hindi ka nagsasalita. Ito rin ay katahimikan ng puso.

Ang pusong ganito ay minamahal lamang ang Diyos higit sa lahat at hindi ang kung anu-anong bagay aa mundo. Kailanman ay hindi napapanatag ang pusong inilalagay ang kasiyahan niya sa materyal na bagay. Lagi iyong nawawala at hindi maasahan. Si San Jose ay isang taong umaasa lang sa Diyos sa lahat ng bagay. Sa Diyos siya laging may kasiguraduhan anuman ang mangyari sa kanyang buhay at sa lahat ng pagsubok na pinagdaraanan ng Banal na Pamilya. Gumagawa siya nang tahimik bilang pagsunod sa Diyos. Kontento siya sa kanyang buhay na pagiging ama, asawa at manggagawa.

Ang kanyang pananalig sa Diyos, pagkalinga sa pamilya at trabaho ang mga bagay na mahahalaga sa kanya, pinaglalaanan niya ng oras at nagpapaligaya sa kanya. Wala na siyang mahihiling pa kundi ang matupad ang mga gawain at tungkuling ito bilang responsibilidad at pananagutan sa Diyos. Ang kanyang pananalig sa Diyos, pamilya at trabaho ang ligaya ni San Jose.

Kung ganito rin sana ang lahat ng tao sa mundo, mas magiging payapa tayo, kontento at makararating nang matiwasay sa Ama sa Langit. Nagdurusa ang karamihan dahil sa pagmamataas, pagtakas sa responsibilidad, pandaraya at kasakiman ng iba. Gawin lang natin ang ating misyon sa buhay na mula sa Diyos. Gawin natin ito nang buong kababaang-loob at galak nang walang hinahangad para sa sarili at tayo’y magiging mga banal.

Ngayong araw, ipanalangin natin ang lahat ng ama, asawa at manggagawa. Nawa ay maging banal ang lahat ng trabaho at ialay ito sa Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian.

San Jose Manggagawa, ipanalangin mo kami. Amen. +

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications