ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pag-ibig kay Hesus”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pag-ibig kay Hesus”

Enero 8, 2023. Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon.

(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo.)

Solemnity of the Epiphany of the Lord.

MABUTING BALITA
Mateo 2, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Si Hesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”

Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas.

“Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta:
‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.’”

Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang mga tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pabilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya.” At lumakad na nga ang mga Pantas.

Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayun na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata.

Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.
Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2023/01/08/linggo-enero-8-2023/

Pagninilay:

Maligayang Dakilang Kapistahan po ng Pagpapakita ng Panginoon! Ito ang tinatawag na “Solemnity of the Epiphany of the Lord”. Kilala pa rin sa secular na pagdiriwang bilang “Three Kings” ngunit ngayon ay naniniwala tayong hindi talaga sila mga hari ngunit mga pantas o “Wise Men” sa wikang Ingles. Ano nga ba ang mayroon kung bakit tila galit na galit si Herodes sa pangakong Tagapagligtas? Dahil dito’y nakuha pa Niyang magsinungaling dahil sa lihim na kagustuhang pagpatay.

Ang mga dahilan ay ang pagkaganid sa kapangyarihan, pera at posisyon o dangal. Ayaw na ayaw niyang mawala ito sa kanya o kahit ang pag-iisip pa lamang na ang mga iyon ay posibleng mawala. Para sa kanya, iyon at doon umiikot ang kanyang buhay.
Subalit napakalaki ng kanyang pagkakamali sapagkat si Hesus na ating Mesiyas ay niloob maging mahirap o malayo sa mga materyal na bagay, posisyon at makamundong kapangyarihan.

Hindi Niya kailangang ipakita ang mga ito sa tao bagamat Siya ang May-ari ng mundo. Naparito Siya para sa tao, mula sa pinakamahirap at sa pinakakawawa. Ang gusto Niya’y mapanalunan at mapagharian ang ating mga puso at buhay sa pamamagitan ng pag-ibig at Salita o Katotohanan. Hindi Niya nais ang kapangyarihan, pera at posisyon sapagkat nasa Diyos na ang lahat ng luwalhati at awtoridad sa mundo. Ngunit mayroon pang dapat tayong abangan – ang ating buhay sa langit kasama Niya. Doon, tayo’y magkakaroon din ng buhay at kayamanang walang hanggan.

Hindi natin kailangang magpakitang-gilas, o magpanggap. Sapat na para kay Hesus na may mabuti at malinis tayong puso na malaya sa kasalanan. Kaya habang naririto, ang tunay din nating pakay ay ang maging banal unang una sa pamamagitan ng sakramento ng Banal na Misa at kumpisal. Ikalawa, sa pag-iisip, pasasalita at paggawa ng mabuti nang walang kapalit.

Ikatlo, sa lahat ng ito’y dapat may pag-ibig. Ito nawa ang ating maging regalo kay Hesus na ating Diyos, Siyang isinilang at naging Tao para ating lahat dahil iniibig Niya tayo nang walang limitasyon. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Communications