ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Sa Diyos Lamang”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Sa Diyos Lamang”

Enero 12, 2023. Huwebes ng Unang Linggo
sa Karaniwang Panahon.

MABUTING BALITA
Marcos 1, 40-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote.

Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2023/01/12/huwebes-enero-12-2023/

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Ang dating ketongin ay nagmakaawa kay Hesus. Hinayaan Niyang si Hesus ang magdikta ng kaynang kapalaran. Hindi siya tila bang nag-uutos sa Panginoon. Sa halip, sinabi niya’y “Kung ibig po ninyo…”. Bakit kaya ganito ang kanyang mga salita? Marahil ay sanay na sanay na siya sa sakit na iyon kaya anumang maging kahihinatnan niya ay tanggap na niya. Marahil din naman ay alam niya at naniniwala siya sa awa ni Hesus at sa kanyang kapangyarihan.

Kaya hinayaan niyang ang Panginoon ang masunod sa anumang kanyang ibig gawin sa kanya. Tayo kaya, sa ating mga hinihiling sa Diyos, hinahayaan ba natin Siyang makapagdesisyon ng kung ano ang mainam sa ating buhay? Alam dapat natin na ang ibig Niya ay ang pinakamaganda para sa atin – hindi man natin ito maunawaan agad-agad.
At kung tayo’y nakatanggap na ng biyaya sa Diyos, anong ating ginagawa?

Nananahimik ba tayo at nagpupuri sa Diyos, o tila ba tayo’y hindi na makapaghintay na sabihin sa lahat ng tao? Mayroon ding magandang maidudulot ang pananahimik sa tuwing tayo’y nakatatanggap ng biyaya. Mas tinuturuan tayo nitong pagnilayan ang kabutihan ng nagbigay kaysa sa binigay sa atin. Madalas kasi natutuon ang ating pansin sa ating mga nakukuha. Kung nakuha natin ang gusto natin – halimbawa, ang trabaho o parangal na ating inaasam, ang kasiyahan natin ay nakapokus sa trabaho at parangal na iyon hindi na sa Diyos.

Minsan kailangan nating sumunod sa sinasabi ni Hesus na huwag ipagsabi sa iba ang anumang ating natanggap dahil mahalaga rin ang pananahimik upang makapagnilay ukol sa Diyos na nagbibigay at dapat pahalagahan sa lahat. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Communications