ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagtulong sa Kapwa”
Enero 13, 2023. Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay San Hilario, obispo at pantas ng Simbahan.
MABUTING BALITA
Marcos 2, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Capernaum, at kumalat ang balitang siya’y nasa kanyang tahanan. Kaya’t nagkatipon ang napakaraming tao, anupat wala nang matayuan kahit sa labas ng pintuan. Samantalang nangangaral si Hesus, may idinating na isang paralitikong dala ng apat katao. Hindi nila ito mailapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, kaya’t binakbak nila ang bubong sa tapat niya, at inihugos ang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan.
Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo.” May nakaupo roong ilang eskriba na nagsaloob ng ganito: “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Kalapastanganan sa Diyos iyan! Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”
Talos ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nagsasaloob ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka’?
Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” Sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka!” Tumindig naman ang paralitiko, binuhat ang kanyang higaan at umalis na nakikita ng lahat. Sila’y pawang nanggilalas at nagpuri sa Diyos. “Hindi pa kami nakakikita ng ganito!” sabi nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2023/01/13/biyernes-enero-13-2023/
Pagninilay:
Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ang paralitiko ay nakapunta kay Hesus sapagkat may mga taong nagbuhat at nagmalasakit sa kanya. Dinala siya tungo kay Hesus kahit hindi siya makalakad. Kaya tayo rin, hindi natin alam kung gaano kalaki at kahalaga ang tulong natin sa iba. Kaunting lakas at oras lamang ang kailangan ay maari tayong makatulong. Sa ating sariling paraan ay maari tayong makapagdala ng tao kay Hesus.
Simpleng pag-aaya magsimba o magpunta sa simbahan at magdasal o mag-usap tungkol sa Ebanghelyo. Napakarami nating magagawa. Ano ang mga gusto ng Diyos na gawin mo na hindi mo pa nagagawa para matulungan ang pananampalataya ng iba? Tayo rin ay natulungan ng Diyos at ng iba sa ating pananalig. Marapat lamang din na tayo rin ay tumulong sa iba dahil tayo rin ay nakatanggap. Amen. +
Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Communications