ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Paghihintay sa Diyos”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Paghihintay sa Diyos”

Enero 28, 2023. Paggunita kay Santo Tomas de Aquino,
pari at pantas ng Simbahan.

MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!”

Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2023/01/28/sabado-enero-28-2023/

Tungkol kay Santo Tomas de Aquino mula sa “Our Parish Priest” Blog: http://ourparishpriest.blogspot.com/2014/11/meet-saints-santo-tomas-aquino.html

Pagninilay:

Maligayang paggunita po kay Santo Tomas de Aquino! Ang mga alagad ay natakot bagamat nasa kanilang presensya si Kristo. Tayo rin ay ganito. Hindi natin nakikita na nasa atin ang Diyos. Tila tayo mga nabubulag na nakakakita lamang na alon ng problema ngunit hindi ng presensya ng Diyos. Minsan kung hinahayaan man ng Diyos na tayo’y magtiis sa paghihirap kahit nagdarasal, ito’y para sa ating ikabubuti.

Hindi man natin agad makuha ang minitmithi, ang mahalaga ay ang matuto tayong maghintay sa Diyos. Ang paghihintay na ito ay hindi kailangang may pag-aalala ngunit tiwala. Mas mahirap maghintay nang nag-aalala kung maari naman tayong maghintay nang may pag-asa sa Diyos. Ito’y hindi natin kaya ng tayo lamang dahil madali tayong panghinaan ng loob.

Kaya tayo’y nanalangin upang humingi ng pag-asa at katatagan mula sa Kanya. Maniwala tayong laging may solusyon sa problema kahit mahirap ang pagdaanan na tila walang lusot. Maniwala tayong ang Diyos ay hindi natutulog. Kahit pa parang ganoon, ang puso Niya’y palaging buhay na nagmamatyag sa ating mga anak Niya.

Kailangan lamang din natin ng katahimikan at tiwala para makita ito. Hilingiin nating buuin Niya ang ating pananalig sa Kanya hanggang Siya’y makasama nang tuluyan sa kabilang buhay. Amen. +

Santo Tomas de Aquino, ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Communications