ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Awa ng Diyos sa Atin”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Awa ng Diyos sa Atin”


Enero 21, 2023. Paggunita kay Santa Agnes, dalaga at martir.

MABUTING BALITA
Marcos 3, 20-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2023/01/21/sabado-enero-21-2023/

Pagninilay:

Isang mapagpalang Paggunita po kay Santa Agnes! Ang tungkol po sa santa na ito ay mababasa matapos ang ating pagninilay. Ang ibang mga tao, maging ang mga malapit kay Hesus ay nagtataka sa Kanyang mga ginagawa. Hindi nila Siya maintindihan sapagkat wala silang pananalig. Bagamat napakalapit kay Hesus ay para bang napakalayo dahil hindi nila Siya nakikila bilang Diyos at Mesiyas. Ang tingin nila sa Kanya ay taong ordinaryo kaya nila Siya nasabihang “Nasisiraan siya ng bait”. Subalit bilang Diyos, alam nating hindi ito totoo.

Ang mga paraan at kapangyarihan ng Diyos ay sadyang nasa itaas natin kaya ito’y mahirap maintindihan. Lagpas ito sa kayang unawain ng tao. Ang kailangan natin ay pananalig sa Diyos at tiwala sa Kanya sa panahong hindi na natin naiintindihan ang mga nangyayari. Kailangan natin ng pagkilala sa Kanya upang ating malamang hindi natatapos, nauubos at napapagod ang Kanyang kabutihan bagamat tayo’y mga makasalanan. Hindi kahibangan na ginugusto pa rin ng Diyos na magpatawad at magbigay ng Kanyang walang hanggang awa kahit paulit-ulit tayong nagkakasala. Ang tawag dito’y pagmamahal.

Nawa’y tumugon tayo rito at tanggapin ang awa at pag-ibig na ito ng Diyos sa mga sakramento ng kumpisal at Banal na Misa habang tayo’y humihinga pa at nakakahingi pa ng tawad sa Diyos para sa ating mga sarili. Amen. +

Tungkol kay Santa Agnes mula sa “Our Parish Priest” Blog: http://ourparishpriest.blogspot.com/2014/11/meet-saints-santa-agnes.html

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Communications