ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Panalangin sa Diyos”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Panalangin sa Diyos”

Enero 11, 2023. Miyerkules ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon.

MABUTING BALITA
Marcos 1, 29-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Simon at Andres. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.

Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2023/01/11/miyerkules-enero-11-2023/

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Nagpapagaling ang Panginoon ng mga may-sakit kahit pa simpleng lagnat. Walang malaki o maliit na bagay sa Kanya. Ang lahat ay importante para sa Kanya. Mayroon Siyang pakialam sa mga bagay sa ating buhay maliit man o malaki sa ating paningin. Kaya naman, tayo ba ay naisasama ang Diyos sa ating pag-iisip, pagpapasya at desisyon sa buhay gaano man ito kasimple at kaliit?
Noong si Hesus ay narito, ang panalangin din ay ang Kanyang inuuna sa lahat. Alam Niya ang kahalagahan ng pakikipag-usap sa Ama. Tayo kaya, alam ba natin ito?

Kasama natin ang Diyos sa ating kalooban sapagkat Siya’y nananahan sa atin. Naroroon din Siya sa tabernakulo ng ating mga Simbahan – katawan at dugo. Siya ay totoong nasa langit at kasama din natin sa mundo bagamat hindi natin nakikita. Dahil dito, kailangan din natin ng pananalangin. Bago magsimula ang ating araw, manalangin muna tayo at makipag-usap sa Diyos. sa gitna ng mga gawain sa buhay, kapag may panahon tayong tumahimik sumandali, kausapin din natin ang Panginoon.

Nagawa ni Hesus ang maraming bagay nang matiwasay at may malinaw na direksyon dahil sa Kanyang pakikipagkaisa sa Ama. Tayo rin ay magagawa ang lahat sa pakikipag-kaisa sa kanila sa pamamagitan ng panalangin. Ang lakas natin ay magiging galing sa Diyos at hindi buhat sa ating sariling kakayanan. Nawa’y sa tulong at grasya ng Diyos ay maggawa nating tunay na manalangin mula sa puso araw-araw ng ating buhay. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Communications

Leave a comment