ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tagumpay ni Hesus”

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tagumpay ni Hesus”

Enero 30, 2023. Lunes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

MABUTING BALITA
Marcos 5, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito’y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabi’y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.

Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, “Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.

Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.

Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Full Readings: https://www.awitatpapuri.com/2023/01/30/lunes-enero-30-2023/

Pagninilay:

Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Nakapagpapalayas ang Panginoon ng demonyo. Magpasanghanggang ngayon, ito’y naisasagawa pa rin sa pamamagitan ng Simbahan at sa Kanyang Banal na Pangalan. Paano nga ba nagkakaroon ng kapangyarihan ang demonyo gayong wala naman talaga? Ito’y nangyayari dahil sa pagkakasala ng tao. Kapag ang tao ay nagdesisyon ng masama, nananalo ang demonyo sa kanya. Ngunit kung siya’y magdarasal, at magiging tapat sa Diyos sa pagtupad ng obligasyong pagsisimba, pagkukumpisal at paggawa ng mabuti sa kapwa, kahit pa may mga problema, walang kapangyarihan ang demonyo sa tao.

Kaya tao ang may kagagawan kung bakit may kasamaan at hindi ang Diyos. Kaya rin, kailangan na kailangan ng panalangin ng buong mundo at ng mga miyembro ng Simbahan upang tayong lahat ay manatili sa Diyos at sa Kanyang planong puno ng grasya at pagpapala para sa atin. Malulupig natin ang tukso sa kapangyarihan ng Diyos. Ang pagsuway ng tao ang nagiging problema sapagkat hindi natin alam lagi ang tama at mali. Kailangan natin ang paggabay ng Panginoon na makukuha natin kung gusto rin natin. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Communications

Leave a comment